Ang pelikulang Sister Stella L ay tungkol sa pagpapakita ng mga suliraning panlipunan na kinasasangkutan ng iba’t ibang tao: mga madre sa pangunguna nina Sister Stella Legaspi at Sister Stella Bautista, unyon ng manggagawa na pinangungunahan ng lider na si Ka Dencio at peryodista, si Nick na dati ring kasintahan ni Sister Stella L. Iba’t ibang uri ng tao ngunit may isang pinaglalaban – ito ay ang makalaya sa paninikil ng mga namumuno sa pinagtatrabahuhang pabrika ng mga manggagawa. Ngunit ang pelikula ay sumentro sa buhay ni Sister Stella L na nakisangkot sa ganitong uri ng kilusan sa kabila ng pagiging isang madre na sa tingin ng karamihan ay nararapat na nasa loob lamang ng kumbento o simbahan upang magdasal maghapon at magdamag. Sa kabila ng pagtutol ng mga kasamahan ni Sister Stella L sa kumbento, hindi ito nagpapigil sa pagnanais niyang makisama sa pakikibaka ng mga manggagawa dahil nakita niyang mayroon ipinaglalabang karapatan ang mga ito matapos  niyang makilahok sa unang araw ng rally nang hindi sinasadya. Sa kabila ng socio-political na isyung umiiral sa kwento, mayroon ring anggulo ng pag-ibig ang namayani sa istorya sa katauhan nina Nick at Sister Stella L na dating magkasintahan ngunit mayroon pa ring natitirang pag-ibig at pag-aalala sa isa’t isa kahit pa isa nang ganap na madre ang huli. Well, akala ko nga titiwalag si Sister Stella L sa pagiging madre noong ipinapakita ang mga scenes na “confused” siya sa nararamdaman niya towards Nick at dahil pinipigilan siya ng mga kasamahan niya sa kumbento sa mga nais niyang gawin sa labas (particularly, sa Baryo Agoho). Pero akala ko lang lahat ng iyon, hindi nga pala ‘to love story! Nagtapos ang pelikula sa pagsasalita ni Sister Stella L sa lahat ng kaanib ng unyon ng manggagawa na patuloy ang kanilang laban sa mga nanggigipit sa kanila sa kabila ng lahat ng pasakit at pahirap na naranasan nila sa kilusang kanilang isinasagawa. At siyempre, sa parteng ito ng pelikula, nag-assume ulit ako. Akala ko mala-Himala ni Nora Aunor ang ganap! Inisip kong may babaril kay Sister Stella L habang nagsspeech siya at biglang magkakaroon ng stampede. Riot n asana kaso mali ulit ako eh. Siyempre, hindi naman siguro papaya si Vilma Santos na may pagkakahawig ang ending ng pelikula nila ni Nora, baka ma-isyu pa sila! Pero, umiisyu lang din ako sa sinabi kong ‘to!

Editing. Hindi ko trip ang editing na nangyari sa pelikula. Hindi ako nagandahan. Wala siyang mga transitional effects, puro siya cuts na maganda sana kung maayos ang pagkakacut kaso sa ibang scenes kasi literal na cut ang nangyayari, napuputol ang isang scene sa tuwing lilipat sa panibagong scene. Pero hindi naman naging magulo ang order ng mga scenes since wala namang ‘throwback Thursday’ o ‘Flashback Friday na nangyari’!

Cinematography. Isa pa ‘to! Ano kayang ipinaglalaban ng pelikulang ‘to at sobrang low quality pagdating sa technicalities. Malamang wala. Hashtag medyohard! LOL. Hindi na nga HD (may ganito na ba dati? Wayback 1984), sobrang minimal pa ng ginamit na mga shots. At ang pinakamalalang nakita ko sa pelikulang ito ay yung naguusap-usap sina Sister Stella L, Sister Stella B at Sister Carmen bago pa may dalawang lalaki na nagbaba sa sugatang katawan ng anak ni Ka Dencio sa tapat ng bahay nila. Sa tuwing magsasalita si Sister Stella L, nasa kanya ang kamera at pan-to-right ang peg kapag si Sister Stella B naman ang bida at pan-to-left kapag si Sister Stella L ulit at pan-to-right ulit at pan-to-left ulit. Oo, ulit-ulit talaga. Kahit panoorin mo pa! Na-imagine ko tuloy yung itsura ng production area nila nung sinu-shoot yung eksenang yun – nasa harap nilang tatlo ang camera na nasa tripod at may isang nagmamanipulate (hindi cameraman, wala rin kasamang director of photography). Kasi kahit bata kaya yung ginawang pag-pan-to-left at pan-to-right. Medyo hard talaga!

Characters. Sa lahat ng kakulangan sa technical side ng pelikula, bawi naman sa mga nagsiganap. Magagaling sila. Naipakita ni Vilma sa pamamagitan ng kanyang pag-arte ang ibang imahe ng isang madre na hindi lang laging nakaluhod at mataimtim na nagdarasal. Makikita naman kay Nick ang pagiging matapang niya sa pagsulat ng mga mapangahas na artikulo na talagang ipaglalaban ang karapatang mailathala ang mga ito. Maaninag din sa kanya ang pagmamahal niya para kay Sister Stella L sa kabila ng estado ng buhay nito ngayon. Kakikitaan din ng tapang si Ka Dencio at mga kaanib nito na gagawin lahat makamit lang ang kalayaan na hinahangad mula sa mapanakal na pamumuno.

Sa kabuuan, umikot ang pelikulang ito sa kalayaan. Bawat tauhan sa kwento ay kalayaan ang isinisigaw ng puso at isipan. Si Sister Stella L, nagnanais ng kalayaan mula sa kanyang mga kasamhan sa kumbento na gawin at mga nais niya sa labas at makiisa sa hinahangad na paglaya ng mga manggagawa. Si Ka Dencio na nagnanais na makalaya sa kasalukuyang estado ng pamumuhay ng kanyang pamilya. Nagtagumpay naman siya – bukod sa namatay siya at literal na nakalaya sa lahat ng pasakit, nagtagumpay siya sa layuning patuloy na ipaglaban ng kanyang mga naiwan ang laban patungo sa paglaya sa mga mapang-abusong pamumuno. Si Nick na isinusulong at maayang pagpapahayag sa pamamgitang ng paglathala ng mga mapangahas na atikulo lalo pa’t tungkol sa pakikisangkot ng mga miyembro ng sektong pang-relihiyon sa suliraning pampulitikal. [V]

 
Picture
Source: http://starforallseasons.com/2009/11/13/filmography-anak-2000/
Pangalawang beses ko na ngayon panoorin ang pelikulang Anak. Ang una ay noong isa o dalawang taon ang nakalipas simula nang magbukas ang pelikula sa mga sinehan. Labing-isang taon ang nakalipas ngunit iisa pa rin ang epekto ng pelikulang ito sa akin ngayon – ang pagtulo ng aking luha sa ilang mga eksena. Ang pagkakaiba lang, mas nakita ko ang pelikula ngayon sa teknikal na aspekto at sa mas malalim nitong pagpapakahulugan. 

Pinoy na pinoy ang atake ng pelikulang ito sa kung paano ipinakita ang pagtangkilik ng isang magulang sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng mas magandang buhay ang pamilya kahit pa malayo siya sa mga ito at tiisin ang pangungulila sa kanila. Kasama pa rito ang pagtitiis sa hirap ng trabaho at pakikisama sa tinutuluyang amo.

Isa pa, ipinakita sa pelikula ang mga katotohanang nangyayari sa buhay ng isang OFW. Nariyan ang pagwawaldas ng mga naiwang kaanak sa perang ipinapadala sa kanila. Nariyan din ang pagkakaroon ng love affair nito sa mga nakakasama sa bangsang pinagtatrabahuhan sa kabila ng pagiging pamilyado na nito sa Pilipinas. At nariyan din ang ang pagkakapariwara ng buhay ng isang anak na naiwan sa bansa at ang pagkakaroon nito ng sama ng loob sa magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Stereotypic ang tema ng pelikula. Simple lang at masyado nang karaniwan ang istorya. Pero natabanunan ang pagiging conventional nito ng mga linya at pagganap ng mga karakter. Natural ang pagkakaarte ni Vilma Santos sa ginampanan niyang tauhan bilang Josie. Sa simpleng galaw at pangungusap ng kanyang mga mata, nakuha ko siyang kaawaan. Naramdaman ko ang pangungulila niya sa kanyang mga anak kahit pa katabi niya na ang mga ito. Nadama ko rin ang sakit sa kanyang puso sa tuwing binabalewala siya at binabastos ng kanyang anak na si Carla na ginampanan ni Claudine Barreto kahit pa wala siyang binibitiwang linya at ang tanging sagot niya sa bawat sinasambit ni Carla ay ang kalungkutang makikita sa kanyang mga mata. Sa panig naman ni Claudine, para sa akin, naging effective ang acting skill niya sa pelikulang ito. Naiinis ako sa kanya sa mga eksenang sumasagot siya nang di-makatwiran sa kanyang nanay na para bang gusto kong ako na ang sumampal at manakit sa kanya para kay Josie.

Sa aspektong sinematograpiya, makikitang na-maximize ang paggamit ng iba’t ibang camera angles, perspectives at positions. Para kasi sa akin, mahalaga ang pagiging malaro ng kamera para hindi maging boring ang pelikula. At dahil din nito, nagiging visually-sufficient ang bawat eksena dahil nakadadagdag ito sa gusting iparating ng pelikula sa mga manonood.

Pagdating naman sa editing, naging linear at logical naman ang pagkakasunud-sunod ng eksena. Nakatulong sa pagiging meaningful na pelikula ang mga flashbacks na ginamit. Para bang sa bawat tanong na pumapasok sa aking isip sa bawat eksena, ang mga flashbacks ang sumasagot sa mga ito. Dahil dito mas naging cinematic ang dating ng pelikula dahil sa technique na ito. 

Mas pinaigting naman ng tunog at musika ang emosyon sa bawat eksena ng pelikula. Dahil sa elementong ito nagkaroon ng kulay at mas ramdam ang galaw at arte ng mga artista.

Sa pelikulang ito, ipinakita rin ang pagbabago sa traditional family system na kung saan ang padre de pamilya ang dapat na nagtatrabaho para kumita at ang babae ang siyang nasa bahay at nag-aalaga sa mga anak. Ang tatlong OFW sa pelikula ay kapwa mga babae. Sa pamamagitan nito, ipinarating ng pelikula sa mga manonood na ang mga babae ang mas kayang magsakripisyo para sa ikabubuti ng pamilya kaysa sa mga kalalakihan. Ang mga babae ang mas malasakit sa pamilya dahil kinakaya nila ang pangungulila at pagod kapalit ng maayos na buhay ng mga naiwan sa kinalakihang bayan.

Sa pamamagitan din ng pagkakapariwara ng buhay ni Carla, naipakita na malaking kawalan ang paggabay ng isang ina. Ipinapakahulugan din na malaki ang pagkakaiba ng pag-aaruga ng isang ama at ang naibibigay na epekto nito sa mga anak sa pagpapalaki ng isang ina. [V]